Enrique Gil, napurnada nga ba ang paglipat sa GMA-7 dahil sa dami ng demand?
-feature.jpg?v=1666343229)
PHOTO: @enriquegil17 on Instagram INSET: @unnnhapppy on Facebook
Ayon sa source ng veteran showbiz writer/host and insider na si Cristy Fermin, tila na-turn off daw ang GMA Network sa dami ng demand ni Enrique Gil kaya hindi na umano matutuloy sa pag-o-ober da bakod ang Kapamilya actor. Isa daw kasi sa mga kondisyon nito ay dapat writers, director at production crew galing ABS-CBN ang hahawak sa magiging project nito once makalipat ito sa GMA-7.
Gaano katotoo na hindi raw natuloy ang planong paglipat sana ng Kapamilya actor na si Enrique Gil sa GMA-7 sa dami umano ng hinihingi nito sa Kapuso network?
Ito ang ibinalita ng veteran showbiz writer/host and insider na si Cristy Fermin sa radio and online show nila ng ka-tandem n’yang si Romel Chika na Cristy Ferminute ngayong araw, October 21.
Ayon umano sa nasagap n’yang tsika, hindi na raw matutuloy ang pag-o-ober da bakod ni Enrique sa GMA dahil na-turn off na umano ang Kapuso network dahil sa dami raw hinihingi ng aktor.
“’Di ba, matagal nang napapabalita, itong si Matteo Guidicelli, si Enrique Gil lilipat na ng GMA-7? Itong si Matteo, maraming kuwentong lumalabas na hindi magkasundo doon sa ipini-pitch n’yang programa sa GMA. E, mas matindi itong kay Enrique Gil,” panimulang bitaw ni Manay Cristy sa kanyang balita.
“Ayon sa kuwento… Alam mo naman lumalabas ang mga kuwento talaga. Imposibleng hindi. Ito daw si Enrique ay ang dami-daming hinihingi.”
Isa sa mga kondisyon daw kasi ng aktor sa GMA Network ay isasama n’ya sa kanyang paglipat ang mga kasamahan n’ya noon sa ABS-CBN.
“Ang gusto daw ni Enrique, ang mga writers nu’ng gagawin n’yang programa, mga writers n’ya dati sa ABS-CBN. Ang direktor na hahawak dapat ay direktor din mula sa ABS-CBN. Ang mga production crew ay hahakutin din yata n’ya,” pagdedetalye ni Manay Cristy.
Hindi n’ya tuloy napigilan ang sarili na kuwestiyunin ang aktor sa demand nito gayong ang Kapuso network naman daw dapat ang nasusunod sa mga bagay na ganito dahil sila naman ang gagastos.
“Aba’y, e di, sila na lang ang mag-produce [ng TV show]. Bakit s’ya tatanggapin at susundin ng GMA-7? Kanino ba ang network? Sino ba ang susugal? Sino ba ang gagastos sa produksyon, e, hindi naman ’yong gusto n’yang makasama, ’di ba?” latag n’ya sa kanyang argumento.
Tila sinayang lang daw ni Enrique ang pagkakataon na muling magkapagtrabaho at kumita sa dami ng demand umano nito. Bukod pa doon, panghahamak din daw sa GMA-7 ang dating ng hiling na iyon ng aktor dahil may sariling mga writers, directors, at production crew naman ang GMA.
“Alam mo, may ganito talagang pangyayari, e, ’no? Naghahanap kayo ng trabaho. Kailangan n’yong kumita. Dahil s’yempre, paano kayo mabubuhay kung naka-tengga lang kayo?” ani Manay Cristy.
“E, pag ganyan naman na binibigyan na kayo ng pagkakataon para kayo ay kumita at magkaroon ng trabaho, ang dami-dami n’yo namang hinihingi. At ang hinihingi n’yo pa ay malaking insulto sa papasukan n’yong network,” pagpapatuloy ni Manay Cristy.
“Aba naman. Ano pang gagawin nu’ng mga writers at director at production crew ng GMA-7 kung ang gusto naman ng artista na magtatrabaho sa kanila ay hahakutin ang mga dati n’yang kasama sa trabaho? Mali naman ’yon.”
Magiging kalabisan din daw ang hiling ng aktor gayong hindi na rin naman umano ito ganu’n ka-in demand ngayon bilang artista unlike before.
“At saka dapat ang masunod ’yong may hawak ng wallet. Sino ba ang gagastos? Sino ba ang maglalabas ng puhunan? Mamumuhunan ba ’yong mga taong gusto ni Enrique Gil? Lalo pa ngayon, si Enrique, hindi na kagandahan ang estado ng n’ya ngayon,” diretsahang komento n’ya.
“Ang tanging buong-buo na lamang ngayon ay ang tambalang KathNiel nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo,” sey pa ng beteranang showbiz insider.
“Tanggapin natin ang katotohanan, tapos na. Tapos na itong mga JaDine [nina James Reid at Nadine Lustre] at saka itong LizQuen [nina Liza Soberano at Enrique Gil]. ’Di ba? Kaya naman…sobra naman, ’di ba? Gusto mo pala ganu’n, e di, du’n ka na ulit [sa ABS-CBN] gumawa ng serye.
“Hindi p’wede ’yon. Ang mamumuhunan GMA-7, ipapalabas sa GMA-7, tapos ang gusto mong mga katrabaho mga dati mong kasamahan?” muling tanong n’ya.
“Walang problema doon. Pero ang tanong, sinong mamumuhunan? Susunod tayo. Ika nga, kung sino ang may hawak ng pitaka, ’yon ang hari at reyna. Ganu’n lang ’yon,” pagtatapos ni Manay Cristy.
Bukas ang pikapika.ph sa panig ni Enrique Gil hinggil sa isyung ito.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
Comments
Post a Comment