Herlene Budol, ipina-Tulfo ang dating manager matapos umano nitong solohin ang lahat ng kinita nila sa mga raket at endorsements
Emosyonal na nagsumbong kay Senator Raffy Tulfo ang comedienne, TV host, at ngayo’y beauty queen na si Herlene Nicole Budol, na mas kilala sa bansag na “Hipon Girl,” para ireklamo ang dati n’yang manager na nagngangalang Elizabeth “Elize” Estrada.
Sa radio and online service program ng senador na Wanted Sa Radyo kahapon, October 4, bitbit ni Herlene ang mga ebidensya ng hindi umano pagbibigay sa kanya ni Elizabeth ng mga kinita niya sa mga naging endorsements n’ya noong mga panahon na ito pa ang tumatayong talent manager n’ya.
Ayon sa Kapuso actress, matagal n’yang pinag-isipan bago s’ya tuluyang nag-decide na isapubliko na ang gusot sa pagitan nila ng kanyang former manager.
“Binigyan ko po kasi s’ya ng maraming time para makapagbayad po. Pina-ulit-ulit na lang po n’ya ’yong promise n’ya na aasikasuhin daw po, ipapa-accounting, ganu’n-ganu’n daw po,” paliwanag ni Herlene sa programa.
Minabuti na rin umano n’yang humingi ng tulong dahil hindi na nga s’ya nabayaran sa dami ng endorsements na ginawa n’ya, pinapalabas pa umano ni Elizabeth na s’ya pa ang may utang dito.
“Hanggang sa nanghingi na po ako last time ng computation, na alam po n’ya sa sarili n’ya kung magkano po ang pera ko sa kanya. Pero ang ending po parang ako pa ang magbabayad sa kanya,” pagsisiwalat n’ya.
Dahil kaswal na usapan lang ang arrangement nila noon ay wala daw silang kontrata bilang manager at talent.
“Nagpatulong po ako sa kanya na rumaket po during po nu’ng pandemic kasi walang wala na po akong trabaho nu’n. Bago po ako pumunta kay Toni Talks, sa mga interview, sa kanya po ako lumapit,” salaysay pa ng komedyana.
“Actually, marami po silang nilapitan ko. Sinabi ko po sa mga naging kakilala ko po sa industriya po, sinabi ko po na, ‘Tulungan n’yo po akong magkatrabaho. Kahit cut-an n’yo na lang po ako [sa talent fee].’ Hanggang sa naging magkaibigan po kami [ni Elizabeth]. Marami pong trabaho na lumapit sa amin.”
Ikinuwento pa n’ya ang isa sa naging karanasan n’ya sa pag-e-endorse ng isang produkto na nagkakahalaga umano ng Php300,000 ang kontrata.
“Naging endorser po ako ng product nila. Tapos nu’ng unang araw daw po pala ng photoshoot namin, nagkaliwaan na po sila [ng Php100,000 down payment],” pagbabalik-tanaw ni Herlene.
“Sabi n’ya po, alam ko daw po. Pero sa akin po hindi ko talaga alam dahil kung alam ko po ’yon, s’yempe, kukunin ko na po ’yong parte ko kasi pagod na pagod po ako nu’ng araw na ’yon, e. Pero hindi n’ya po sinabi sa akin na bayad na po pala.”
Kahit na ang second installment na Php100,000 ay hindi rin umano nakarating sa kanya.
“Ilang buwan po ang nakalipas, nag-live po ako sa [Facebook] page nu’ng brand na po na ’yan. Nakita po ng kasamahan ko nu’ng pinapirmahan po sa akin, may tseke daw po. Hindi ko din alam na bayad na din po sa kanya,” pagpapatuloy n’ya.
“Tapos pina-terminate n’ya [Elizabeth] po ako d’yan kaya daw po ang dapat ko lang makuha ay [Php] 200,000 dahil nagbanggit daw po ako ng [kalabang brand], ni Sir Wilbert [Tolentino].”
[Wilbert Tolentino is her current manager.]
In short, nabayaran sila ng Php200K pero napunta daw ’yon lahat sa dati n’yang manager. Maraming beses daw na ganu’n ang nangyayari. Maraming dumating na endorsements pero wala siyang nakukuhang bayad sa mga iyon.
Hanggang sa naiyak na si Herlene dala ng hinanakit sa naging pagtitiwala n’ya kay Elizabeth.
“Nagtiwala po ako sa kanya. Naging kasamahan ko s’ya doon. Naging kaibigan ko na rin. Talagang mama nga rin po ang turing ko sa kanya,” umiiyak na lahad pa n’ya.
At dahil hindi nga nakakatanggap sa mga pinaghihirapan n’yang endorsements ay umabot na si Herlene sa puntong s’ya na mismo ang dumidirekta sa mga taga-TV productions para mabigyan s’ya ng TV guestings.
Nang nalaman naman umano ito ni Elizabeth ay sinisingil s’ya nito dahil sa usapan daw nila na magbibigay s’ya ng komisyon dito.
“Sa akin po dumidiretso ’yon [bayad]. Ako po ang may kakilala doon [sa taga-TV productions]. Gusto n’ya pong bawiin sa akin ang pera… Kailangan daw po may 30 percent [cut] s’ya sa lahat ng pinagtrabahuhan ko,” pagsisiwalat pa ng aktres.
Sinisingil na din umano s’ya sa mga ginawa daw nito sa kanya noong nasa poder pa s’ya nito.
“Ito po ang computation po niya. ’Yong pagpatira sa kanila, saka paghatid-sundo n’ya po sa akin. [Php]1,000 per day daw po for eight months… Sinisingil niya po ako d’yan. Saka ’yong driving lesson po. ’Yong kapatid po n’yang pulis, tinuruan po ako. Isinabay lang n’ya po ako sa anak n’ya po [na nag-aral mag-drive],” ani Herlene.
“Saka ’yong pagtira ko po du’n sa kanila ng one to two months daw po. Parang ako pa po ’yong may utang sa kanya po,” sumbong pa n’ya.
Samantala, tumanggi namang humarap sa programa si Elizabeth para mailahad ang kanyang panig.
Ayon naman kay Atty. Garreth Tungol, ang resident legal counsel ng Wanted Sa Radyo at Chief of Staff ng Office of Sen. Raffy Tulfo, maari umanong sampahan ng reklamong qualified theft at estafa si Elizabeth.
Payo naman ni Sen. Raffy kay Herlene, sinuraduhin na sa susunod ay may kontrata na siya kapag papasok sa isang kasunduan lalo na kung may kinalaman sa trabaho. At kung magkagayon, humingi pa rin daw dapat s’ya ng tulong para ipa-review ang kontrata para makatiyak na hindi s’ya madadaya o maaabuso.
Bukas ang pikapika.ph sa panig ni Elizabeth.
YOU MAY ALSO LIKE:
Herlene “Hipon Girl” Budol, devastated sa pagpanaw ng kanyang lola
Pika’s Pick: Beauty-queen aspirant Herlene Budol thanks Queen Pia Wurtzbach for the motivation
Kylie Verzosa, mataas ang kumpiyansa kay Herlene Budol
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
Comments
Post a Comment