GMA Creative Head Suzette Doctolero, nagandahan sa latag ng Maid in Malacañang; nahilo sa Katips

Isang linggo na ang nakararaan buhat nang maipalabas ang mga pelikulang Maid in Malacañang at Katips na parehong may kinalaman ang kuwento sa pamilya Marcos.
Ang una ay naglalahad ng POV ng mga Marcoses sa huling tatlong araw nila sa Palasyo ng Malacañang, habang ang Katips ay tungkol naman sa buhay ng mga aktibistang lumaban sa mga atrocities umano ng Martial Law noong Dekada ’70.
To be honest hindi namin napanood ang Katips na idinirek, sinulat, at pinagbidahan ni Atty. Vince Tañada at nagkasya na lang kami sa mga nababasa naming rebyu mula sa mga nakapanood.
Hati ang mga nabasa naming feedback, may mga nagandahan at deserving daw ang mga natanggap nitong awards mula sa nakaraang FAMAS award’s night.
Pero may mga napatanong din kung bakit naghakot ng 17 awards ang Katips kabilang ang mga major awards na best picture, director, at actor.
Isa sa mga nabasa naming reviews ng kapwa pelikula ay mula sa kilala at matapang maglabas ng saloobin na si Ms. Suzette Doctolero, creative consultant at isa sa mga headwriters ng GMA Drama. Madalas ma-pick up ng both mainstream and new media ang mga social media posts ni Doctolero dahil sa mga interesante at matapang na nilalaman ng mga ito.
Aniya, una niyang napanood ang Maid in Malacañang. Pero bago umano niya ito napanood ay marami na siyang nabasang negatibong komento tungkol sa kontrobersyal na pelikula ni Darryl Yap mula sa mga netizens at maging sa ibang kakilala mismo niya.
Na-curious umano siya kung ano ba ang talagang kuwento ng pelikula kung kaya niya pinanood ang MiM.
“Pinanood ko rin kanina ang MIM,” panimula niya sa kanyang August 5 Facebook post.
“Malinaw sa filmmaker kung sino ang audience niya at kung paano magkukuwento kung kaya’t nasakyan ng audience ang pain ng isang pamilyang dati ay matayog at hari, at bumagsak. Pinaiyak, pinatawa, kinurot ang puso ng audience. Wala kasing pretension ang pelikula. Malinaw na ito ay kwento sa Point of View ng mga Marcos o pro Marcos.
“Bilang manunulat, nakita ko ang yaman ng konsepto’t kwento. Although Hindi ito ang unang movie na tumalakay ng ganitong paksa, (nandiyan ang Evita Peron, ang Tsar (kwento ng mga Romanovs ng Russia) at ibp, pero matapang pa rin ang filmmaker na ginawa niya ito, kahit na alam niyang may mga pupuna. Deserve nito ang success sa takilya na tinamasa.
“Kontrobersyal at subject sa Interpretsyon ang huling eksena, na ipinakita si Cory, lalo na ang binitiwan nyang salita sa dulo (bilang analogy sa pulitika, kapangyarihan, gamit ang sugal na madjong), pero ito ay totoo. At ang gandang statement sa pulitika ng bansa (maski sino pa ang lider).
“May mga scenes lang na ikinuwento kaysa ipinakita pero naiintindihan kong mahal ang eksena (halimbawa, pagpapasabog sa isang parte sa Malacanang o pagpapakita ng pagsugod ng mga rebel forces para mas ramdam ko ang takot ng pamilya at mga maids) pero sa pangkalahatan ay okey naman ang pelikula. Walang historical distortion, wala ring paninira sa mga madre. Panoorin para makita.”
Maliwanag na nakapasa sa panlasa ni Doctolero ang katha ng kapwa niya manunulat na si Darryl Yap.
At para maging balanse ay pinanood din niya ang Katips, na naging maingay din dahil malinaw na anti-Marcos ang tema nito na nataon namang nasabay sa showing ng isang Marcos-produced movie.
Pero ani Doctolero, mahigit isang oras palang siya sa loob ng sine ay umalis na siya dahil hindi raw n’ya natagalan ang pelikula.
However, napag-isip-isip niya na hindi niya marerebyu ang pelikulang hindi niya tinapos kung kaya’t binalikan niya ito at pinanood sa ikalawang pagkakataon.
Narito naman ang post ng creative consultant ng Siyete nito namang Martes, August 9.
“Ano ang value ng isang bad movie sa opposition? At pakikibaka ng mga anti? Wala. Ito pa nga, sa palagay ko, ay naging kapansanan,” matapang na panimulang puna niya.
“Kinumpirma lang kasi ng badly made movie na ito ang impression ng marami na puro ingay at magugulong anay lamang ang mga aktibista. Kaysa ipakilala’t ipamahal sila at yakapin ng masa at ituring na mga anak, na mga bayani: kasi nauunawaan na ng masa ang kanilang inilalaban pero HINDI.
“Bigo ang pelikulang ito sa ganitong aspeto. Tanging mga nanood na aktibista lamang (at mga nagpapanggap na nagandahan pero ang totoo ay palihim na nauyam) ang makaka appreciate. Walang nakuhang recruit mula sa 31m, na siya sanang tinarget na audience (kaya sila sila uli). Lalo’t natatandaang kong ibinida ng filmmaker na nais niya raw mag educate ng masa.”
Para kay Doctolero, na isa ring batikang manunulat, puno ng ambiguity ang k’wento kaya imbes na mauwaan ay lalo lamang malilito ang manonood. Assuming umano ang pagkakalatag kaya’t ang mga walang ideya at gustong magka-ideya sa ipinupunto ng pelikula ay umuwing walang baon na malinaw na pagkakaunawa.
At inisa-isa niya, bilang audience, ang kanyang kalituhan.
“Isang pagkakamali, sa unang eksena pa lang, in-assume ng filmmaker na alam ng lahat ng mga taong manonood kung ano ang kaganapan noong Enero? Lalo’t big deal na pinag uusapan ng mga tibak yung importanteng araw ng January (ito ba yung madugong pangyayari sa Mendiola? Ewan. Sila lang ang nakakaalam). Kaya’t ang karaniwang audience (kung hindi aktibista) ay nakatunganga, nagtataka, ano ang pinag uusapan ng mga magugulong characters na ito??! Ano ang ipinaglalaban? Bakit sila lumalaban? Ano sila? Sino sila bukod sa kanilang mga gawain at pangalan?? Hindi ito sinasagot maski sa mga sumunod na eksena. (Hindi nakatulong na ginawa ang eksena sa bundok, may rally sa bundok?? Mas maganda ito sa kalye. Pero simbolismo ata ang bundok, ewan sa kanila).
“Bakit ang isang gurong mulat ay nagkaroon ng anak na clueless at utak kolonyal na hindi? (Kasing confused ng babaing character na ito ang 3/4 ng movie). Anong klaseng ama ang guro na ito? Na naturingang may mataas na kamalayan pero may anak na may mababang kamalayan? Hindi ko naiintidihan.
“Sa dami ng bida, wala akong nakilala. Parang isang bungkos ng walis tingting ang naratibo rin ng kwento: na isinabog at wala nang pumulot. (Dito na ata nag decide ang filmmaker na mag artista na lang kaysa idirek at isulat ng maayos?)
“Lalong hindi ko naiintindihan kung bakit hindi masabi-sabi ng mga hindi ko kilalang characters kay Amerikanang hilaw, na patay na ang tatay niya. (Spoiler na ito, wala namang kwenta). Ah, kasi hindi pa buo ang love story. Need munang mag sex yung dalawa (kasi ang sagwa na alam mong patay ang tatay mo tapos nakikipag sex ka). Iniraos muna ang libog at saka ipinaalam. Bad scripting. Sa ganitong punto, palagay ko’y tila yata nagbate na rin ang sumulat ng iskrip.
“Caricature ang mga characters at one dimensional. Disjointed ang mga eksena. Parang tipaklong na talon nang talong from one scene to another, na walang koneksyon sa isa’t isa. Hindi ko rin alam kung bakit ang mga aktibista na mulat, makabayan, bayani ay nakadamit pang Hollywood sa ilang song number. Bakit?? Anong ibig sabihin nun? Tila yata may disconnect at di tamang representation sa visual image at characterizations? At this point, isinisigaw ko na sa isip ang salitang poetangina. Tila ako nagpepenetensya sa panonood (bakit ko inulit??).
“Nakakahinayang ang pelikulang ito.
“Na base sa isang stage play na hindi nagawang i-adapt sa pelikula at bigyan ng katarungan. Magkaiba kasi ang medium. Mas mabait ang stage play (lahat ay pwedeng idaldal). Hindi gaya sa pelikula, na kailangang ipakita ang mga eksena sa pinaka creative at epektibong paraan. May palagay ako na mga bagito sa paggawa ng movies ang nagdirek at nagsulat kaya sabog ang pelikula. Hindi ko alam kung bakit nanalo ng mga awards. Diyos na lang marahil ang nakakaalam.
“Tunay na missed oppurtunity ito.
“Ang isang magandang pelikula na ukol sa unang sigwa, ang siya sanang magpapaliwanag kung ano ang inilalaban, ng mga taong mas pinili ang manindigan kaysa magbulag bulagan. Kung nailatag lang sana ang kwento sa mas malinaw na paraan, kung nag focus sa isa o dalawa lamang na bida (at ang iba ay mga support na lamang). Kung Sana’y isinabay ang audience sa pagkamulat ng character kaysa inassume na alam ng lahat kung ano ang isang aktibista. At inilalaban. Hindi po alam ng karamihan kaya nga nanalo ulit ang Marcos, hindi ba?
“Nagkaroon na lamang ng saysay sa bandang patapos na, kasi naman ay tortyur na matindi’t rape, at may betrayal. Dito na lamang nabuhay ang gaya kong nacomatosed na audience. Dito na lamang nagbalik ang damdamin at naawa sa biktima ng human rights. Itong bandang dulo lang talaga ang highlight. Idinaan sa shock value ang movie kaysa nagkwento ng isang malungkot at masaklap na love story ng isang tao sa kanyang iniibig na inang bayan.
“May nagsabi na baka nais raw maging Les Miserables ng pelikula? Lalo’t musicale din. Ang difference: napaka emotional ng Les Mis, pinamahal sa audience ang characters sa umpisa pa lang (at swabe ang pagkukwento ng simula ng French revo). Di gaya dito sa Katips, wala ako pake sa mga bida, sa dulo na lang ako naawa sa mga characters.
It’s a bad, ugly at confusing movie.
“Wala siyang naitulong para i-educate ang masa kung ano ang kamalian ng martial law. Sil- sila lang nakaintindi. Nabigo ang pelikula na maging liwanag sa dilim. Ito mismong movie ay isang malaking dilim.
“At kaunti lang siguro kaming magsasabi ng totoo, na ito ay panget. Kasi marami ang mananahimik dahil maganda naman daw ang layunin ng movie. Ang magmulat sa mga walang alam at nabubulagan. Ang problema: hindi matagumpay na naitranslate sa pelikula ang mabuting layunin. Ito ay nanatili sa isipan lang ng filmmaker.
“Advice: mas maraming magandang movie ngayong Cinemalaya, mas doon na lang isugal ang pera. O kung gusto manood ng ukol sa activism: watch Liway (indie movie ito) at saka Dekada 70 (mainstream). Mas matino sila.”
Samantala, aware naman si Doctolero na maraming p’wedeng magalit o kaya ay gantihan siya dahil sa hindi niya magandang review sa Katips. Welcome naman daw sa kanya ang mga ito.
(“Ps. Pwede ninyo rin akong gantihan at sabihang panget ang mga isinulat ko. Wala akong pake. Siguraduhin ninyo lang na ako nga ang may akda at maraming nagkakamali na ako raw ang may gawa pero mali. Kalowka).”
Bukas ang pikapika sa panig ng direktor at producer ng pelikulang Katips.
Samantala, isang araw matapos ang kanyang Katips review, naglabas naman ng panawagan si Doctolero sa mga pumik up ng kanyang mga sinabi. Aniya, mas paglaanan nalang daw ng oras ang ibang balitang mas may relevance sa bayan kesa sa mga saloobin niya. Hindi naman daw siya artista para angguluhan ng istorya.
Outlet lang umano niya ang kanyang social media.
“Kung sino sino nang pumik up at sumawsaw sa sawsaw ko. Na nakapost lang dito sa page ko. Outlet ko, opinyon ko, musings, kabaliwan. Pang aliw lang sa sarili at fb followers. Kaya madalas ay nagugulat pa na magigising at nasa article na, o vlog na ng iba,” panimulang hinaing niya.
“Pakiusap: Ibalita ninyo na lang po yung iba, huwag na ako. Di ako artista. Di ko rin itinuturing ang sarili kailanman na public persona. Wala ako ilusyon. Gusto ko yung kalayaan na mayroon ang marami, na pwedeng mag post ng opinyon tapos di big deal kasi wala namang kwenta madalas ang post ko. Mema lang talaga.
“Pero mahalaga sa akin kasi 2 yrs na nakakulong, walang ibang social interaction kungdi (zoom meeting sa work) at socmed lang talaga.
Ang daming news worthy like yung paghuli kay Walden, decriminalization ng libel, yung cable car, ang karapatan ng FL na magturo kasi may K naman siya, ang daming mga issue na dapat pag usapan at i article. Iyon na lang ang pagtuunan natin ha?
“Masakit rin sa mata na makita mga spliced na statement ko,” patuloy niya. “Nakakagulat pa rin pag yung maaanghang pa ang naka highlight. Lumalabas tuloy na para akong gutom sa attention e hindi ko naman ginusto at hiningi na ma article. Feeling ko’y para akong click bait. Ino offer sa mob.
“Sorry na sinasabi ko ito pero Di na nakakatuwa. Salamat. (At nayayabangan na ako sa sarili ko sa post ko na ito ha at baka isiping feeling, pero need ko lang sabihin. Pasensya).
“Sa mga nagmamahal sa akin, pls unshare ang mga post ko. Sa mga bashers: malaki na kayo kaya dapat maging tolerant na sa ibang views hahaha. Salamat.”
Pero mukang mabibigo siya sa request niyang ito dahil she’s a celebrity in her own right at ang matapang at malaman niyang pagwe-weigh in niya sa mga bagay-bagay ay mananatiling makatawag-pansin sa media, mainstream man o yong mga itinuturing na new media.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
Comments
Post a Comment